Miyerkules, Hulyo 9, 2014

Ang Ating Pagka Pilipino

KATANGIAN NG ISANG PILIPINO:

PAGTITWALA SA PANGINOON
Isang magandang katangian ng mga Pilipino ang pagtitiwala sa Panginoon. Karamihan sa kanilang mga mag-anak ay matapat sa pananampalataya. Naniniwala silang may isang Panginoong pumapatnubay sa lahat ng kanilang gawain. Batid din nilang tumutulong Siya sa mga taong tumutulong sa kanilang sarili.

PAGIGING MAGALANG
Isang magandang pag-uugali ng mga Pilipino ang paghalik sa kamay o pisngi at pagmamano sa matatanda. Isang paraan ito ng paggalang. Karaniwang ginagawa ito ng mga bata matapos magdasal ng orasyon, pagkagaling sa simbahan, bago umalis ng bahay, kapag may dumadating o bumisitang kamag-anak o matanda, at kapag nakita at nasalubong nila ang kanilang ninong at ninang.Ipinakikita rin ang paggalang ng mga batang Pilipino tuwing nakikipag-usap sila sa matanda.  Gumagamit sila ng po at opo at magalang na pananalita at pagbati gaya ng "Salamat po" at "Magandang hapon po." Gumagamit din sila ng magagalang na pantawag sa matatanda gaya ng kuya, ate, manong, manang, lolo, lola at iba pa.


PAGTUTULUNGAN
Pagtutulungan sa sariling tahanan. Nagtutulung-tulong ang mga kasapi ng mag-anak sa mga gawain dito. nagtutulungan din ang baway isa sa magkakapitbahay upang maisaayos at mapaunlad ang kanilang pamayanan. Iyan ay likas na katangian ng isang Pilipino.
Ang karaniwang tawagan sa pagtutulungang ito ay bayanihan. Tumatawag ang magkakapit-bahay ng bayanihan kapag may malaking gawain isasagawa sa maikling panahon. Nagtutulungan ang bawa't isa upang maging magaan ang isang mahirap na gawain. Kalimitang ginagawa ito tuwing panahon ng pagtatanim at pag-aani at sa paglilipat ng isang bahay sa ibang lugar.

MABUTING PAGTANGGAP AT PAKIKITUNGO
Kilala ang mga Pilipino sa mabuti at magiliw na pagtanggap. ibig nilang masiyahan at maging maginhawa ang kanilang mga panauhin. nagsisilbi sila ng pinakamasarap na pagkaing kanilang makakaya at naghahanda ng maayos na tulugan para sa mga bisita. Nagbibigay pa sila kung minsan ng mga regalo kapag paalis na ang kanilang mga panauhin.

PAGSAMA SAMA NG PAMILYA
Karamihan sa mga mag-anak na Pilipino ay may maganda at malapit na pagsasama-sama. Nagtutulungan ang bawat kasapi sa pagsasagawa ng mga gawaing-bahay. Madalas dumadalaw sa magulang ang nag-asawang anak kapag ito'y naninirahan sa ibang lugar. Nagsasama-sama pa ang mag-anak tuwing may "family reunion" kung Pasko at iba pang pagdiriwang o okasyon. Iyan ang nagpapakita kung paano nagkakaisa ang mga mag-anak na Pilipino.
Inaalagaan at minamahal ng bawat miyembro ng mag-anak ang matandang kasapi nito. Tungkulin ng bawat Pilipino na magsilbi sa kanyang matatandang magulang, mga lolo't lola, at kamag-anak hanggang sila'y nabubuhay. Iyan ang paraan ng pagpapakita ng magandang pagtingin sa matatanda.


ANG PAGIGING PILIPINO

Ang isang Pilipino o Pinoy ay masayahing tao. anumang problema ang dumaan sa kanyang buhay, hindi maiaalis ang ngiti sa labi. Hindi man napakaunlad na bansa, lagi pa rin tayong positibo.
Laging huli sa oras ang mga Pinoy. Alas-kwatro ang usapan ngunit alas-singko darating. Pilipino time kung ito ay tawagin na nagsasabing tila'y wala tayong pagpapahalaga sa oras. Kaya laging nahuhuli, walang progresyon, nahuhuling umunlad.

Mahalaga rin sa mga Pilipino ang kapwa. Sabi nga, hindi ka mabubuhay ng nag-iisa. Wala itong direktang translasyon sa Ingles at ‘di hamak na mas mabigat ang kahulugan nito para sa atin. Sa kapwa natin tayo hihingi ng tulong, makikisalamuha, makikisama, mangungutang ng pera, makikipag-away, makikipagkaibigan at marami pang iba. Sa kanila rin natin matutunan kung paano mahiya at tumanaw ng utang na loob na ilan lamang sa mga ugaling kilala ang Pinoy.

Kung may konsepto kapwa, mayroon ding pakikipagkapwa-tao. Sa Pilipinas lang makikita ang kaugaliang iyan kung saan tutulong ka sa kapwa mo at pakikisamahan mo sila ng maayos para naman ganoon rin sila sa inyo. Tutulungan at dadamayan mo sila sa oras ng kagipitan, kilala mo man o hindi. Dito rin magmumula ang tinatawag na bayanihan o ang pagtutulungan nang walang hinihintay na kapalit.

Dahil may malaking parte sa isang Pinoy ang kanyang kapwa, magkakaroon siya ng hiya. Ayaw niyang magkaroon ng pangit na imahe at ayaw niyang madusta ng iba. Pahahalagahan niya ang kanyang pangalan nang sa gayoon ay may mukha siyang maiharap sa mga taong nakapaligid sa kanya. Kapag wala kang hiya, manhid ka.

Kilala rin tayo sa kagalingan nating makisama. Tayo ang kusang mag-a-adjust sa iba’t ibang ugali ng mga tao. Dagdagan pa ng pagkakaroon ng utang na loob kung saan susuklian mo ang ginawang kabutihan ng iba, kaya’t tinatangkilik at gusto tayo ng mga dayuhan.

Tayo rin ay mapagmahal sa pamilya. Mas pipiliin pa nating tumira sa bahay ng ating magulang kahit na tayo ay may sarili nang pamilya na tinatawag na extended family. Sabi pa ng iba: mas marami;mas masaya.

Marami pa tayong ugaling mabubuti, ganoon rin ang masasama na hindi ko na maiisa-isa pa. Magkaganoon man, ito ang isa sa dahilan kung bakit tayo nagiging isang Pilipino, sa dugo man o sa papel.

Ang kahulugan ng pagiging Pilipino: pagkakaroon ng pagpapahalaga sa pamilya, kapwa Diyos at bansa. Marami tayong mga ugali, nabanggit ko man o hindi, na nakaaaapekto sa mga pinahahalagahan nating iyan. Kung hindi natin makikilala ang mga ugaling ito, hindi rin natin lubos na mauunawaan ang kahulugan ng pagka-Pilipino. Ang pagiging Pilipino ay nasasalamin sa ating mga ugali, ginagawa at pagpapahalaga.

Iba’t iba man ang mga kultura, paniniwala at kaugalian na sumaplot sa bansa, mahalaga pa rin na ipagmalaki natin ito at ipagpayabong. Sa pagiging Pilipino, tatangkilikin mo ang sarili iyo at hindi mo ito ikahihiya, isinasapuso mo ang bawat linya sa pambansang awit at mga tulang Ako ay Pilipino at Pilipinas Kong Mahal. Ginagamit ang sariling wika. Pinayayabong ang magagandang ugali at tuluyan nang titigilan ang ugaling masasama. Ang pagiging Pilipino ay pagyakap sa katotohanang ikaw ay isang Pilipino, “sa isip, sa salita, at sa gawa”.

Mga Karaniwang Tradisyon ng mga Pilipino

  • Piyesta



  • Mahal na araw/ Senakulo



  • Mamanhikan

  • Harana


  • Simbang gabi

  • Flores De mayo